Hinikayat ni Senador Jinggoy Estrada si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gumamit ng kamay na bakal laban sa mga smuggler at hoarder ng mga agricultural products sa bansa.
Ito ay matapos ang pahayag ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA na bilang na ang araw ng mga smuggler at hoarder.
Iginiit ni Estrada na dapat hulihin agad ang mga smuggler na matutukoy, kasuhan at diretsong ipakulong.
Binigyang-diin pa ng senador na ang smuggling at pagtatago ng agricultural products ay katumbas ng economic sabotage.
Nangako rin ang mambabatas na siya mismo ay magbubunyag ng mga smuggler kung magkakaroon siya ng mga pangalan ng mga ito o kung may malaman siyang sangkot dito.
Umaasa rin si Estrada na sa loob ng isa hanggang dalawang buwan ay magkakaroon na ng aksyon ang executive branch tungkol sa babalang ito ng Presidente.
Tiniyak din ng senador na kung wala pang magiging aksyon ang ehekutibo sa mga susunod na buwan ay mismong ang senado na ang kikilos at tutugis sa mga smuggler. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News