dzme1530.ph

PBBM, dapat direkta nang makipag-usap kay Chinese Pres Xi hinggil sa harassment sa WPS

Naniniwala si Senador JV Ejercito na panahon nang makipag-usap mismo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gobyerno ng China sa gitna ng mga pambubully ng Chinese Coast Guard sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Ejercito na daan-daang note verbale at diplomatic protest ang inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) subalit hindi naman ito pinapansin ng China.

Ang patuloy anyang pambubully ng China ay hindi dapat ginagawa sa itinuturing na kaalyado.

Muling binigyang-diin ng senador ang kanyang suporta sa resolusyon ni Senador Risa Hontiveros na iakyat na sa United Nations General Assembly (UNGA) ang usapin at ipaglaban ang ating soberanya.

Binigyang-diin ng senador na sa pamamagitan ng pahayag ng UNGA ay mapapagtibay ang pagpabor ng International Arbitral Tribunal sa Pilipinas sa isyu.

Sinabi pa ng senador na kailangan din palakasin ang ugnayan ng mga miyembro ng ASEAN para mapanatili ang “freedom of navigation” sa pinag-aagawang teritoryo. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author