Biyaheng Brunei at Singapore si Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa May 28-31 sa susunod na Linggo.
Sa press briefing sa Malacañang, inanunsyo ni Foreign Affairs Spokesperson Ma. Teresita Daza na sasabak ang pangulo sa kauna-unahan niyang state visit sa Brunei mula Mayo 28-29.
Makikipagpulong din ito kay Brunei Sultan Hassanal Bolkiah, at iba pang Brunei officials.
Bukod dito, makikisalamuha rin ito sa Filipino Community bilang pagkilala sa kontribusyon ng nasa 20,000 Pilipino sa Brunei.
Sunod namang tutungo si Marcos sa Singapore para sa kanyang keynote address sa 21st Shangri-la dialogue, kung saan inaasahang tatalakayin ang mga isyu sa seguridad, depensa, at regional at global issues.
Ito ay dadaluhan ng nasa 500 opisyal mula sa 40 bansa, kabilang ang defense ministers, military chiefs, gov’t officials, security experts, at iba pang stakeholders.
Isang lider lamang ang pinipili kada taon para magbigay ng keynote address sa shangri-la dialogue, at ang karangalang ito ay ibinigay sa pangulo.
Samantala, magkakaroon din ng bilateral meeting ang pangulo kina Singaporean President Tharman Shanmugaratnam, Singaporean Prime Minister Lawrence Wong, at former Singapore PM Lee Hsien Loong.