Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na trabaho ng sangay ng ehekutibo ang bumalangkas ng spending plan at tiyaking nakalaan ang pondo ng pamahalaan sa mga programa.
Giit ng Pangulo, hindi dapat malustay o manakaw ang pondo ng bayan.
Pahayag ito ng Pangulo bilang reaksiyon sa sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na saklaw ng Kongreso ang pagbabago sa National Expenditure Program na isinusumite ng ehekutibo.
Paliwanag ni Marcos, tungkulin naman talaga ng Kongreso na busisiin ang panukalang budget. Gayunman, trabaho rin aniya ng ehekutibo na maglatag ng plano at humingi ng pondo para maisakatuparan ang mga proyekto, at para matiyak na hindi mawawaldas o mawawala ang pera ng taumbayan.
Muli ring inihayag ng Pangulo na handa ito para sa reenacted budget, kung hindi alinsunod ang proposed General Appropriations Bill sa mga plano ng kanyang administrasyon.