Agrikultura, dagdag sahod at trabaho ang dapat pang tutukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang unang taon nito sa termino.
Ito ang binigyang-diin ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa kanyang assessment sa pagtupad sa tungkulin ng Pangulo.
Kaugnay nito, binigyan ni Zubiri ng 8 out of 10 na grado ang Pangulo na anya’y nagpakita ng kasipagan mula sa unang araw nito sa panunungkulan.
Iginiit ni Zubiri na bagama’t maraming problemang kinakaharap ang bansa tulad ng inflation ay maayos pa ring ginagampanan ng Punong Ehekutibo ang kanyang tungkulin.
Iminungkahi ng Senate Leader na palawakin pa ng Pangulo ang kanyang Kadiwa Centers program upang mawala na ang mga middleman at kumita ng malaki ang mga magsasaka.
Dapat din anyang matutukan ang pagkakaroon ng farm to table programs upang mas mailapit sa mga consumer ang mga lokal na magsasaka.
Iginiit din ni Zubiri ang pagtutok sa labor sector upang magkaroon pa ng mga dagdag na trabaho gayundin ang dagdag na sahod sa mga manggagawa.
Tiniyak naman ng lider ng Senado na patuloy nilang susuportahan ang mga kinakailangang batas ng Pangulo para sa maayos na pamamahala sa bansa. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News