![]()
Nakauwi na sa Pilipinas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng kanyang partisipasyon sa 32nd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa South Korea.
Lumapag ang PR 001, lulang ang Pangulo, sa Villamor Air Base sa Pasay City, 2:22 p.m. kahapon.
Sa kanyang arrival statement, tinukoy ni Marcos ang iba’t ibang paksa na tinalakay ng Philippine delegation sa apat na araw na paglahok sa summit.
Kabilang dito ang advancements sa artificial intelligence, mga problemang dulot ng climate change, at pagpapalakas sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Inihayag din ni Pangulong Marcos na nakipagpulong siya kina South Korean President Lee Jae-myung at Chilean President Gabriel Boric, na nangako ng mas malalim na kooperasyon sa Pilipinas sa iba’t ibang larangan.
Ibinida rin ng Chief Executive ang potential investments, kabilang ang P50-bilyong agreement na nilagdaan sa pagitan ng Philippine Economic Zone Authority at Samsung Electromechanics, na inaasahang lilikha ng mahigit 3,000 high-technology jobs.
