Balik-bansa na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos ang apat na araw na pag-bisita sa Melbourne Australia para sa ASEAN-Australia Special Summit.
11:33 kagabi nang lumapag ang Philippine Airlines Flight PR-0-0-1 sa Villamor Airbase sa Pasay City sakay ang Pangulo at ang Philippine Delegation.
Sa kanyang Arrival statement, ipinagmalaki ng Pangulo ang naiuwing $1.53 billion o P86 billion na halaga ng investments sa mga sektor ng renewable energy, recycling, housing, IT BPM, at health services.
Ginamit din niyang oportunidad ang Summit upang talakayin ang regional at international issues at kung papaano makakatulong ang asean kabilang ang Pilipinas tungo sa kapayapaan, seguridad, at kasaganahan sa Indo-Pacific Region.
Naki-salamuha rin ito sa Filipino community sa Melbourne kasabay ng pagkilala sa kanilang malaking kontribusyon.
Sa sidelines ng summit ay sumabak din ito sa bilateral meetings sa mga lider ng Cambodia at New Zealand.