Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi magiging kumpleto ang isinusulong na Bagong Pilipinas kung wala ang Bangsamoro Region na umuusad sa ilalim nito.
Ito ay sa harap nang ipinalutang na panawagang pagkalas ng Mindanao sa Pilipinas.
Sa kanyang talumpati sa 17th Meeting ng Intergovernmental Relations Body ng National Government at Bangsamoro Government, inihayag ng Pangulo na ang mas matatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim (BARMM) ay magbibigay-daan sa mas matatag na Mindanao at ang matatag na Mindanao ay mangangahulugan sa mas matatag na Pilipinas.
Kaugnay dito, ipinaalala ni Marcos na hindi dapat ibaon sa limot ang utang sa mga nag-alay ng dugo at buhay upang makamit ang kapayapaan sa Mindanao.
Samantala, sa harap naman ng nakatakdang kauna-unahang Bangsamoro Parliament Elections sa 2025 ay hindi umano dapat hayaang manaig ang anumang pwersang labag sa proseso ng demokrasya at hindi dapat hayaang masindak ng karahasan, pananakot, at panunuhol ang kahit isang botante.