dzme1530.ph

PBBM, babalik ng Australia sa Mar 4-6 para sa ASEAN-Australia Special Summit

Babalik ng Australia si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa susunod na linggo para sa ASEAN-Australia Special Summit.

Ito ay pagkatapos ng kanyang nakatakdang biyahe sa Canberra Australia bukas hanggang Huwebes, para sa pagharap sa Australian Parliament.

Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni Foreign Affairs Spokesperson Maria Teresita Daza na aarangkada ang pangalawang biyahe mula March 4-6 sa Melbourne.

Ito ay bilang pagpapa-unlak na rin sa imbitasyon ni Australian Prime Minister Anthony Albanese, kasabay ng komemorasyon sa ika-50 taon ng ASEAN-Australia Relations.

Sa tatlong araw na biyahe, sasabak ang Pangulo sa Leaders’ Plenary at Leaders’ Retreat, para talakayin ang mahahalagang regional at international issues, at ang mga hakbang para palakasin pa ang relasyon ng dalawang rehiyon.

Makikipagkita rin si Marcos sa business leaders at sa Filipino community, habang sasabak din ito sa bilateral meeting kasama ang mga lider ng Cambodia at New Zealand.

About The Author