Inanunsyo ni U.S. President Donald Trump na napagkasunduan na ng Estados Unidos at Pilipinas ang isang bagong trade agreement, kasunod ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa White House.
Sa isang pahayag sa Truth Social, inilarawan ni Trump ang pagbisita bilang “beautiful” at isang great honor o karangalan.
Inihayag ni Trump na nagkasundo ang dalawang bansa sa isang trade deal kung saan magiging bukas ang merkado ng Pilipinas para sa mga produkto ng Estados Unidos na walang ipapataw na buwis o taripa. Sa kabilang banda, sisingilin ng 19% tariff ang mga produktong galing sa Pilipinas na papasok sa Amerika.
Dagdag pa ni Trump, mas palalakasin ng dalawang bansa ang kooperasyong militar.
Pinuri rin ni Trump si Pangulong Marcos Jr. bilang isang mahusay at matatag na negosyador.
Wala pang opisyal na pahayag mula sa Malacañang ukol sa mga detalye ng kasunduan.