Pinagko-komento ng Korte Suprema sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Executive Secretary Lucas Bersamin at iba pang mga opisyal hinggil sa petisyon na kumu-kwestyon sa legalidad ng Executive Order (EO) 62 na nagpapababa ng taripa sa bigas.
Ang naturang kautusan ay bahagi ng proseso ng kataas-taasang hukuman sa hinahawakan nilang mga kaso o petisyon.
Kabilang din sa mga inobligang magsumite ng kani-kanilang komento ay sina Socioeconomic Planning secretary Arsenio Balisacan at Tariff Commissioner Chairperson Marilou Mendoza.
July 4 nang isampa ng iba’t ibang grupo, gaya ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), Federation of Free Farmers, at United Broiler Raisers Association, ang petisyon laban sa EO 62.
Sa ilalim ng naturang EO na nilagdaan ni Bersamin noong June 20, ipinag-utos na ibaba sa 15% mula sa 35% ang taripa sa imported na bigas ngayong 2024 hanggang 2028.