Aminado si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kinakapos pa rin ang mga ginagawa ng gobyerno sa pagtataguyod ng demokrasya.
Sa kanyang talumpati sa ika-63 Anibersaryo ng Philippine Constitution Association, inihayag ng Pangulo na marami pang panukalang batas na magbibigay-sigla sa Konstitusyon ang hindi pa rin naipapasa.
Dahil dito, hindi pa rin umano sumasapat ang mga hakbang para sa empowerment o pagbibigay-kapangyarihan sa mamamayan, taliwas sa inaasahan ng mga bumuo ng Saligang Batas.
Kaugnay dito, iginiit ni Marcos na napapanahon nang gumawa ng malaking aksyon, at sa ilalim ng Bagong Pilipinas ay tinatawagan ang tatlong sangay ng pamahalaan na tumindig sa hamon.
Hinikayat ang lahat na makiisa sa pagsasakatuparan ng mga hindi pa natatapos na trabaho para sa demokrasya, at pagtataguyod sa isang bansa kung saan nananaig ang rule of law, hustisyang walang pinipili, at ang kalayaan. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News