dzme1530.ph

PBBM admin, bumuo ng task force upang ibsan ang posibleng epekto ng nagbabadyang El Niño

Bumuo ang administrasyong Marcos ng Inter-Agency El Niño Task Force upang ibsan ang posibleng epekto sa agrikultura at fisheries sector ng nagbabadyang El Niño sa bansa ngayong taon.

Sa ilalim ng 2023 El Niño Mitigation and Adaptation Plan, palalakasin ang mga hakbang laban sa matinding tagtuyot para mapanatili ang produksyon sa mga maaapektuhang lugar.

Palalakasin din ang produksyon sa mga lugar na hindi maaapektuhan, habang isasagawa ang malawakang information dissemination.

Itatayo ang mas marami pang water-related infrastructure tulad ng hydroelectric power plants, small water impounding projects, diversion dams, flood control projects, at irrigation systems.

Ipatutupad rin ang irrigation scheduling system at iba pang water saving practices, habang ipamamahagi ang farm production-related machinery equipment tulad ng power water sprayers.

Isasagawa rin ang cloud seeding operations para makalikha ng ulan.

Mababatid na ibinabala ng PAGASA na ang El Niño ay posibleng magsimula sa Hulyo hanggang Setyembre, at maaari pang tumagal hanggang sa 2024. —sa ulat ni Harley Valbuena

About The Author