Susundin ni Senator Ronald Bato Dela Rosa ang payo sa kanya ni Justice Secretary Crispin Remulla na iwasan munang magbiyahe sa mga bansa na may impluwensya ang International Criminal Court (ICC).
Ito ay upang maiwasan ang anumang posibleng aberya kasunod ng pagbasura ng ICC sa apela ng gobyerno laban sa imbestigasyon sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.
Una na ring sinabi ni dela Rosa na lilimitahan na lang muna niya ang kanyang biyahe sa Davao at Manila.
Sa panig naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri, tiniyak na hindi isusuko si Dela Rosa kung wala namang warrant of arrest mula sa lokal na korte.
Ito ay kahit pa mag isyu na ng warrant of arrest ang ICC.
Ayon kay Zubiri, mayroong proteksyon na ipinagkakaloob ang Senado sa kanilang mga miyembro na nahaharap sa imbestigasyon o kaso.
Inihalimbawa nito ang proteksyong ipinagkaloob noon ng Senado kay dating Senator Antonio Trillanes.
Muling binigyang-diin ni Zubiri na mayroong sariling batas ang Pilipinas na dapat sundin at kung maghahabol ang ICC ay dadaan muna ito sa koordinasyon sa lokal na korte ng bansa. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News