dzme1530.ph

Pastor Apollo Quiboloy, pina-aaresto na ng Senado

Bunsod ng kabiguang dumalo sa pagdinig ng Senado, isinulong na ni Senate Committe on Women, Children, Family Relations and Gender Equality chairperson Risa Hontiveros ang citation kay Pastor Apollo Quiboloy in contempt.

Hiniling din ni Hontiveros kay Senate President Juan Miguel Migz Zubiri ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay Quiboloy upang maobliga itong humarap sa pagdinig.

Ito ay makaraang mabigong muling dumalo sa pagdinig ng kumite ang lider ng Kingdom of Jesus Christ.

Sa halip, nagpadala si Quiboloy sa pamamagitan ng Balayan Law Firm ng sulat sa Senado na humihiling na irecall ang subpoena laban sa kanya sa paggiit na ang pagpapatawag sa lider ng KOJC ng kumite na nagdeklara nang guilty siya sa mga alegasyon ay paglabag sa mga karapatan nito.

Hindi naman tinanggap ni Hontiveros ang pahayag ni Quiboloy kasabay ng pagsasabing kung pagbibigyan ang mga ganitong dahilan ay mawawalan na ng kapangyarihan ang Senado sa kanilang imbestigasyon.

Ilang oras naman bago ang pagpapatuloy ng pagdinig ng kumite, daan-daang tagasuporta ni Pastor Apollo Quiboloy ang nagsagawa ng kilos protesta sa harapan ng Senate Compound.

Sigaw nila hustisya para kay Quiboloy na anila ay dapat protektahan laban sa mga alegasyon sa kanilang lider.

Hiling din ng mga tagasuporta ng lider ng Kingdom of Jesus Christ na magresign na ang chairperson ng kumite na si Hontiveros.

About The Author