Pinayagan ng Pasig Regional Trial Court si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na dumalo sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senado hinggil sa Illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Oct. 8.
Kinatigan ni Pasig RTC Branch 167 Presiding Judge Annielyn Medes-Cabelis ang hiling ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, na payagan ang presensya ni Guo sa hearing, in aid of legislation.
Bukod sa dating alkalde, pinayagan din ng Korte ang hirit ng senate panel na padaluhin sa pagdinig sa susunod na linggo ang lima pang personalidad na nakalista bilang co-incorporators sa POGO hub sa Bamban.
Maaari ring samahan ng legal counsels si Guo, pati na ang limang iba pa sa Senate hearing.
Noong Biyernes ay nagpasok ang dismissed mayor ng not guilty plea sa kasong Qualified Human Trafficking na dinidinig ng Pasig RTC. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera