Isang lalaki ang patuloy na inoobserbahan ngayon sa hospital at inaalam pa ang dahilan kung bakit ginawa nito ang pagtalon sa riles ng tren kaninang umaga.
Sa naging pahayag ni Assistant Secretary for Railways Department of Transportation Jorjette Aquino, 26-anyos na lalaking pasahero ang napaulat na tumalon sa Southbound track ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 Blumentritt Station habang may paparating na tren.
Mabuti na lamang aniya ay nakapag-emergency brake ang operator ng tren nang tumalon ang pasahero sa riles.
Kasunod ng insidente, ipinatupad ang provisional service mula Baclaran hanggang Central Station alas-6:12 ng umaga.
Nailigtas ng mga first responder ang pasahero mula sa ilalim ng tren bandang alas-6:33 ng umaga at natagpuan itong may malay ngunit may mga gasgas sa ulo at naputol ang kaliwang paa.
Agad namang Isinugod sa ospital ang pasahero at kasalukuyang ginagamot.
Bandang 9:32 kaninang umaga nasa stable condition na ang pasahero at kasalukuyang nagsasagawa ng X-Ray.
Samantala, eksaktong alas-6:44 ng umaga, ilang minuto matapos makuha ang tumalon na lalaki ay ibinalik na ang operasyon ng LRT 1. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News