dzme1530.ph

Parusang kamatayan sa mga masasangkot sa plunder, muling iginiit ni Sen. Dela Rosa

Loading

Muling isinusulong ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang pagbabalik ng parusang kamatayan para sa mga opisyal ng gobyerno at indibidwal na mapatutunayang nagkasala ng plunder.

Inihain ni dela Rosa ang Senate Bill 1343 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 9346, ang batas na nag-alis ng death penalty sa Pilipinas, upang muling ipataw ang pinakamabigat na parusa laban sa mga sangkot sa pandarambong.

Sa ilalim ng panukala, lethal injection ang itatakdang paraan ng pagpataw ng parusang kamatayan.

Binigyang-diin ng senador na ang pagkakasangkot ng mga tiwaling opisyal sa mga maanomalyang flood control projects, na ibinunyag mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay malinaw na ebidensiya ng malawakang korapsyon sa pamahalaan.

Batay sa datos ng Department of Finance, tinatayang ₱42.3 bilyon hanggang ₱118.5 bilyon ang nawawala sa ekonomiya kada taon dahil sa katiwalian sa mga proyektong flood control mula 2023 hanggang 2025. Katumbas umano nito ang pagkawala ng 95,000 hanggang 266,000 trabaho na sana’y nalikha para sa mga Pilipino.

Ibinunyag din na may umiiral na “kickback scheme” kung saan umaabot sa 30% ng halaga ng proyekto ang napupunta sa mga politikong itinuturong utak ng anomalya, habang hinahati-hati naman ang natitira sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), contractors, district engineers, at auditor.

Ayon kay dela Rosa, hindi sapat na kulungan lamang ang parusa sa mga ganitong uri ng krimen na aniya’y kumikitil ng pagkakataon ng mamamayan na magkaroon ng maayos na pamumuhay.

Iginiit nito na ang mga tiwaling opisyal na piniling payamanin ang sarili sa gitna ng paghihirap ng nakararami ay dapat managot hanggang sa huling parusa.

About The Author