Panahon na para isabatas ang Air Passenger Bill of Rights upang mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga lumalabag dito.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Chiz Escudero sa pagpapahayag na bukas siya sa mga panukalang magkaroon na ng batas para pangalagaan ang mga karapatan ng air passengers sa gitna na rin ng mga isyu laban sa airline companies.
Kasunod na rin ito ng pahayag ni Civil Aviation Board Executive Director Carmelo Arcilla na hanggang ngayon ay hindi pa nababago ang 71-year old nang Republic Act 776 o ang Civil Aeronautics Act of the Philippines kung saan limitado lamang sa P5,000 ang parusa sa bawat paglabag.
Ang kasalukuyan naman anyang Airline Passenger Bill of Rights ay nakasaad lamang sa Joint Administrative Order No. 1 ng Department of Transportation and Communications at Department of Trade and Industry na nilagdaan noong pang 2012.
Nakasaad sa Air Passenger Bill of Rights ang proteksyon sa mga pasahero kaugnay sa mga problema sa paliparan tulad ng delayed o canceled flights nang walang babala, pagkawala ng mga bagahe at overbooking ng flights.
Sa tingin ni Escudero, hindi na sapat ang administrative order lamang at kailangan na ng batas para sa pangangalaga sa mga karapatan ng mga pasahero. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News