Nais ni Sen. Ronald dela Rosa na magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga indibidwal na nagli-leak ng mga classified government documents.
Ito ay sa gitna ng ginagawa niyang imbestigasyon sa sinasabing nagleak na dokumento mula sa Philippine Drug Enforcement Agency na nagsasangkot umano kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggamit ng iligal na droga.
Ipinaliwanag ng senador na sa ngayon ang pagli-leak ng anumang confidential na dokumento ay maaari lamang mapatawan ng parusa sa ilalim ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Iginiit ng mambabatas na ang end goal ng kanilang pagdinig ay magkaroon ng policy legislation na magsisilbing solusyon upang maiwasan na ang leakages.
Nakababahala para kay dela Rosa kung security classified documents na mga top secret ay napupunta na sa China o napupunta na sa mga kalaban ng bansa ay tiyak na wala na anyang mangyayari sa Pilipinas.
Muling mgasasagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs hinggil sa PDEA leaks sa Mayo 13.