dzme1530.ph

Parusa laban sa isang illegal recruiter, pinagtibay ng Korte Suprema

Kinatigan ng Korte Suprema ang hatol ng mababang hukuman laban sa isang akusado na nagkasala sa kasong illegal recruitment at estafa dahil sa panloloko sa isang aplikante.

Batay sa 18-pahinang desisyon na sinulat ni Justice Jhosep Lopez ng SC Second Division, pinaboran ang desisyon at resolusyon ng Court of Appeals (CA) na kumakatig sa hatol ng La Trinidad, Benguet (RTC), Branch 8 laban sa akusadong si Lee Saking y Anniban alyas Lee Saking Sanniban.

Sa rekord ng kaso, nakilala ng complainant na si Jan Denver Palasi, ang akusado noong 2013 sa isang car repair shop kung saan pinakukumpuni ng complainant ang kanyang Mitsubishi Delican van.

Ayon kay Palasi, nagpakilala si Saking na kayang makapagpadala ng aplikante sa Australia at nakilala niya si Saking bilang grapes at apple picker, dito na naging interesado si Palasi, ngunit humiling sa kanya ang akusado na kailangang magbayad ng P300,000 bilang placement fee.

Dahil kulang ang pera, ibinigay ni Palasi ang kanyang van at halagang P100,000 bilang placement fee.

Gayunman, matapos na makuha ang van at pera, hindi na nagpakita ang akusado at hindi rin naiproseso ang kanyang application at dokumento patungong Australia.

Ayon sa Korte Suprema, hindi nagkamali ang trial court sa pagpapataw ng parusa sa akusado na guilty sa kasong paglabag sa illegal recruitment na tinatakda sa Sections 6 at 7 ng (RA 8042) o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, na inamyendahan ng RA 10022, at estafa alinsunod sa Article 315, paragraph 2(A) ng Revised Penal Code at inamyendahan ng RA No. 10951.

Sa kasong illegal recruitment, pinatawan ng Korte ng hanggang 14 na taong pagkabilanggo ang akusado at multang P1-M at kasong estafa para sa isang taong pagkakulong. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author