Tatanggapin pa rin ng Commission on Elections ang Certificate of Nomination at Certificate of Acceptance of Nomination (CON-CAN) ng anumang partylist organization na may dobleng talaan ng nominado.
Ito ang inihayag ni Comelec Chairman George Garcia kasunod ng paghahain kahapon ng CON-CAN ng isa pang grupo ng Ang Bumbero ng Pilipinas Partylist.
Matatandaang noong unang araw ng paghahain ng kandidatura ay isang grupo ng organisasyon ang naghain ng CON-CAN.
Subalit nilinaw ni Garcia na sa pinal na listahan ng mga partylist na iimprenta nila sa balota, iisang pangalan lamang ang ilalagay nila ng naturang organisasyon.
Kapag nanalo ang partylist ay saka na lamang reresolbahin ang isyu kung sino sa magkahiwalay na grupo ang kikilalaning may tunay na karapatang manungkulan.
Sinabi ni Garcia na inaasahan nilang dalawa o tatlong partylist ang magkakaroon ng kahalintulad na sitwasyon.
Kinumpirma rin ng opisyal na ang mga organisasyong naghahain ng CON-CAN sa ngayon ay ang mga nakatanggap na ng imbitasyon sa COMELEC na aaabot sa 160 grupo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News