Mas pinahusay pa ang kooperasyon sa pagitan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at ng South Korean counterpart nito na inaasahang magbibigay daan sa mas maraming flight at ruta patungo sa mga pangunahing destinasyon ng turismo.
Ang CAAP, bilang pangunahing aviation authority ng bansa, ay nananatiling nakatuon sa pagsulong ng international partnerships kung saan makikinabang ang industriya ng civil aviation ng Pilipinas.
Ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, nag courtesy visit ang mga opisyal ng South Korean embassy na naglalayong palakasin ang koneksyon at koordinasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Aniya opisyal na ring tinanggap ng Bohol-Panglao International Airport (BPIA) ang inaugural flight BX 7135 ng Air Busan mula Incheon, South Korea, na may kabuuang 217 pasahero.
Tiniyak naman ni acting Airport Manager Anghelo Ibañez, na patuloy nilang sisiguruhin ang kaligtasan, accessibility, at kaginhawahan ng mga pasahero sa paliparan.
Dagdag pa ni Ibañez na ang bagong ruta ay lilikha ng karagdagang pagkakataon para sa turismo at paglago ng negosyo sa Tagbilaran at sa natitirang bahagi ng mainland Bohol. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News