Suportado ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang panukala ni Senate President Francis Escudero na obligahin ang mga gobernador at alkalde na dumalo sa mga pagdinig ng Senado ukol sa pambansang budget.
Ayon kay Villanueva, napapanahon nang marinig mismo mula sa mga lokal na opisyal kung ano ang tunay na pangangailangan ng kani-kanilang lugar. Binigyang-diin ng senador na mahalagang direktang marinig ang boses ng mga lokal na opisyal upang matukoy ang tunay na prayoridad ng mga komunidad.
Kasabay nito, ipinaalala rin ng ni Villanueva na naghain siya ng Senate Bill No. 537 o People’s Participation in the National Budget Bill, na naglalayong bigyang boses ang mga Civil Society Organizations para sa mas aktibong partisipasyon sa pagbabalangkas ng General Appropriations Act.
Sa pamamagitan ng partisipasyon ng mga grupong ito, aniya, mas magiging epektibo ang pagbalangkas ng national budget.
Idinagdag pa ng senador na magbubukas ang hakbang na ito ng mas inklusibo at transparent na proseso sa paglalaan ng pondo, at titiyakin na mas kapaki-pakinabang ang mga programa ng pamahalaan para sa bawat Pilipino.