Makikipagsanib-pwersa na rin ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa Nationalist People’s Coalition (NPC).
Ito ay kasunod ng pakikipag-alyansa ng PFP sa lakas-CMD Party, bilang bahagi ng pagpapalakas ng pwersa sa pulitika sa harap ng nakatakdang 2025 midterm elections.
Dadaluhan mismo ng pangulo na tumatayong chairman ng PFP ang “Alyansa para sa Bagong Pilipinas” signing ceremony sa Makati City ngayong Sabado ng gabi.
Bukod sa pangulo, inaasahang dadalo rin sina special assistant to the president at PFP Executive Vice President Antonio Lagdameo Jr., Presidential Adviser on Legislative Affairs Sec. Mark llandro Mendoza, PFP President at South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr., Presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, NPC Chairman at former senate president Tito Sotto, at iba pang mga miyembro ng magkabilang-partido.
Sinabi naman ng NPC na kabahagi sila sa mithiin ng pangulo sa pagkakaisa ng mga lider ng bansa tungo sa isang bagong Pilipinas.