Unti-unti nang nararamdaman ng mga pampublikong guro sa buong bansa ang kabawasan sa kanilang trabaho.
Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na 57% ang nabawas na classroom paperwork ng mga guro sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa Kagawaran, alinsunod sa DepEd Order no. 6 series of 2025, ibinaba na lamang sa lima mula sa 174 ang bilang ng school forms na dapat regular na makumpleto ng public school teachers.
Karagdagang 31 forms ang nakalaan naman para sa ancillary tasks, at 39 na iba pa para sa teaching-related assignments, depende sa workload designations ng mga guro, sa ilalim naman ng DepEd Order no. 5 series of 2024.
Sinabi ni Education Sec. Sonny Angara na ang naturang hakbang ay pagtupad ng ahensya sa pangako na uunahin ang pagkatuto ng mga mag-aaral, gayundin ang kapakanan ng mga guro.