Tumanggi ang Public Attorney’s Office (PAO) na tulungang mag-execute ng extra judicial confessions ang security officers ng National Bureau of Investigation (NBI) na inakusahang kasabwat ng detainee na si Jad Dera sa paglabas nito ng piitan.
Sinabi ni Department of Justice (DOJ) Spokesperson Mico Clavano na nahihirapan silang kumuha ng statements dahil sa order ng PAO na bawal umanong mag-assist ang public lawyers dahil magkakaroon ng conflict of interest.
Noong May 22 ay nilagdaan ni Deputy Chief Public Attorney Silvestre Mosing ang memorandum circular na nagsasabing hindi na tutulungan ng PAO lawyers sa extra judicial confession ang inarestong person deprived of liberty.
Ito’y matapos makaladkad ang mga abogado ng PAO sa kontrobersiya ng government witnesses na nagbawi ng kanilang mga testimonya, gaya ni Rafael Ragos, na nagsabing napilitan lamang ito na lagdaan ang ready-made statement, sa harap ng PAO lawyers. —sa panulat ni Lea Soriano