Binuhay ni Senate President Francis Escudero ang kanyang panawagan para sa pagtatatag ng General Aviation Terminal sa bansa.
Sinabi ni Escudero ang kawalan ng general aviation terminal sa bansa ang isa sa dahilan kaya’t mabilis na nakakalabas ng bansa ang mga katulad ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nang hindi na dumaraan sa standard inspections ng Customs at Immigration officials.
Iginiit ng senate leader na matagal na niyang inirereklamo sa Civil Aviation Authority of the Philippines at Department of Transportation ang kawalan natin ng general aviation terminal mula nang inimbento ang airport sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Escudero na kapag walang general aviation terminal, maba-bypass ng mga indibidwal na lulan ng private planes ang standard procedures, kasama na ang inspeksyon ng Customs at Immigration.
Binigyang-diin ni Escudero na sa ngayon sinumang may private plane ay pupunta lamang sa hangar nila, ipapadala ang passport nila, papatatakan, pupunta sila sa lounge nila at sasakay na sa eroplano para umalis at ganito uli pagdating sa bansa.
Tiwala si Escudero na sa pagpasok ng San Miguel Corporation sa aviation industry ay maitatag na ang general aviation terminal. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News