dzme1530.ph

Panukalang pagdaragdag ng buwis sa matatamis na inumin at ma-aalat na pagkain, suportado ng DOH

Suportado ng Department of Health (DOH) ang panukalang pagdaragdag ng buwis sa matatamis na inumin at junk foods.

Binigyang-diin ni DOH Sec. Ted Herbosa, ang labis na katabaan o obesity ang pinaka-problema sa kalusugan ng mga Pilipino, partikular sa mga kabataan dahil sa iba’t ibang klase ng mga inumin at pagkain na kinokonsumo.

Gayundin aniya ang kakulangan sa physical activities na dahilan o factor upang magkaroon ng nasabing kondisyon.

Sa pag-aaral na isinagawa ng Food and Nutrition Research Institute, 36.6%  o 27-M Pilipino na edad 20 pataas ang nakitaan ng World Health Organization ng mataas na body mass index na maituturing overweight o obese.

Dahil dito, umaasa si Herbosa na ang panukalang pagtataas ng tax sa sweetened beverages at junk foods ay makatutulong sa publiko na magkaroon ng mas healthy lifestyle.

Una nang sinabi ng Department of Finance na P12.00 kada litro ang ipapataw na dagdag-buwis para sa matatamis na inumin, anumang uri ng pampatamis ang ginamit at P10.00 sa kada 100 grams sa mga pagkaing kulang sa nutritional value at lumampas sa batayan ng DOH. —sa panulat ni Airiam Sancho

About The Author