Hinimok ni Senador JV Ejercito ang mga kasamahan sa Kongreso at ang Malakanyang na iprayoridad ang pinapanukalang anti agricultural economic sabotage council laban sa mga smuggler at hoarder ng agricultural products sa bansa.
Nakapaloob ito sa isinusulong na panukalang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act o ang Senate Bill 2432.
Sinabi ng senador na layun nito na palakasin ang laban ng bansa kontra sa smuggling ng mga produktong pang agrikultura sa pamamagitan ng pagsama ng hoarding, cartel, at profiteering sa maikokonsiderang economic sabotage.
Naniniwala ang senador na tukoy na ng mga ahensya ng gobyerno ang mga big time smugglers sa bansa sa gitna na rin ng mga isinagawang congressional hearings tungkol sa isyu.
Umaasa rin ang senador na sa pamamagitan ng isinusulong na mas mabigat na Anti-Agricultural Economic Sabotage Law ay may masasampolan nang big time smuggler.
ito ay upang maipakita ang ngipin ng batas at matakot na rin ang iba, maging ang mga nakikipagsabwatang government officials, na makilahok sa smuggling, hoarding, profiteering at cartel activities.
Sa pamamagitan aniya nito ay maeengganyo muli ang mga local producer sa agriculture industry at sisiglang muli ang sektor ng agrikultura sa Pilipinas. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News