dzme1530.ph

Panukalang pagbabawal sa foreign trip ng mga opisyal na may kaso, isinusulong ni Tulfo

Loading

Isinusulong ni Sen. Erwin Tulfo ang Senate Bill No. 1362 na naglalayong awtomatikong pagbawalan ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na mag-abroad kung sila ay may kinahaharap na kasong kriminal o administratibo.

Sa ilalim ng panukala, hindi maaaring bigyan ng foreign travel authority ang sinumang opisyal o empleyado na may kasong kriminal o administratibo, sumasailalim sa preliminary investigation, fact-finding inquiry o audit, o kung makakaapekto ang kanilang pag-alis sa imbestigasyon o prosecution.

Bawal ding bumiyahe palabas ng bansa ang sinumang sangkot sa mga kasong may kinalaman sa pambansang seguridad, kaligtasan ng publiko at pampublikong kalusugan.

Nakasaad din sa panukala na ang lalabas ng bansa nang walang kaukulang travel authority ay maaaring makulong ng anim hanggang labindalawang taon, pagmumultahin ng hanggang dalawang milyong piso, at habambuhay na pagbabawalan sa pagtatrabaho sa gobyerno.

Giit ni Tulfo, marami nang pagkakataon na nakakalabas ng bansa ang ilang opisyal kahit may kaso, dahilan para maantala ang imbestigasyon at mahadlangan ang hustisya.

About The Author