Inaprubahan na ng mababang kapulungan ang House Bill 7446 na naglalayong amyendahan ang kasalukuyang Republic Act 1405 o ang Secrecy of Bank Deposits Law para bigyan ng kapangyarihan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na imbestigahan ang mga deposito sa bangko.
Ayon sa panukala, alisin nito ang mga hadlang sa epektibong pagsisiyasat at pag-uusig ng mga tiwali o iligal na aksyong pinansyal ng mga stockholder, may-ari, direktor, trustee, opisyal o empleyado ng mga entity na pinangangasiwaan at kinokontrol ng BSP.
Layunin din ng panukalang ito na maiwasan ang tax evasion, money laundering at iba pang mga krimen sa pananalapi.
Bibigyan din nito ng kapangyarihan ang BSP para siyasatin o suriin ang mga deposito sa panahon ng imbestigasyon sa mga saradong bangko at upang alamin kung may batayan ng pandaraya, iregularidad, o paglabag sa batas ng isang stockholder, may-ari, direktor, tagapangasiwa, opisyal, o empleyado ng mga institusyong pinangangasiwaan ng BSP kabilang na ang kinatawan, ahente o mga kasabwat. —sa panulat ni Ronnie Ramos