![]()
Isang panukala na layong ipagbawal na ang pagkolekta ng reconnection fees sa kuryente, tubig, telecommunications, at internet services ang isinulong.
Ang House Bill No. 8706 o “No Reconnection Fee Act” ay para bawasan ang bayarin ng mga consumers sa tuwing mapuputol ang kanilang koneksyon dahil sa hindi agad nakabayad.
Nais ni Leyte Rep. Martin Romualdez, principal author ng HB 8706, na agad i-restore ang serbisyo sa oras na mabayaran na ang outstanding balances ng mga subscriber at consumer.
Lalo na ngayon na nagtataas ang gastusin dahil sa kaguluhan sa Gitnang Silangan bunsod ng fuel price increases, tumatama na rin ito sa elektrisidad at iba pang utilities.
Ayon din sa co-author ng panukala na si Cong. Jude Acidre, ang pagsipa ng fuel prices sa domestic market ay may impact sa delivery ng basic utilities at hindi lang sa transportasyon.
Kung ito’y ganap na maging batas, ang reconnection fees sa lahat ng disconnected accounts bunsod ng nonpayment ay ipagbabawal na, basta’t mabayaran lamang ang outstanding balance at lawful interest o penalties.
Bukod kay Romualdez at Acidre, author din nito sina Rep. Yedda Marie at Rep. Andrew Julian Romualdez ng Tingog Party-list.
