dzme1530.ph

Panukalang ibaba sa 10 taong gulang ang age of criminal responsibility, pinagdebatehan sa Senado

Loading

Pinagdebatihan ng mga senador ang panukala ni Sen. Robin Padilla na ibaba sa 10 taong gulang ang age of criminal responsibility para sa mga heinous crimes.

Aminado si Padilla na maraming magiging reaksyon sa kanyang panukalang amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act o Republic Act 9344, subalit iginiit na kung hindi matutugunan ang criminal behavior ng bata, magreresulta ito sa paulit-ulit na krimen.

Sa Senate Bill 372 ni Padilla, saklaw ng pagbaba ng age of criminal responsibility ang mga masasangkot sa heinous crimes tulad ng parricide, murder, rape, kidnapping with killing or rape, robbery with homicide or rape, destructive arson, at serious cases sa ilalim ng anti-drug law.

Iginiit ni Padilla na hindi na dapat magbulag-bulagan sa katotohanan na marami nang kabataan ang nasasangkot sa krimen.

Sinuportahan ni Sen. Raffy Tulfo ang panukala ni Padilla at iginiit na kadalasan, naiiwang dismayado ang mga magulang at pamilya ng mga biktima ng batang sangkot sa krimen dahil sa kabiguang makamit ang hustisya.

Sinabi naman ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na marami nang bata ngayon ang hindi takot gumawa ng krimen kaya’t panahon nang rebisahin ang kasalukuyang batas.

Kadalasan pa aniya, nagagamit na rin ng mga sindikato ang mga bata dahil batid nilang hindi maparurusahan.

About The Author