dzme1530.ph

Panukalang budget, hindi na maaaring ibalik sa Malacañang

Loading

Kinontra ni Sen. Panfilo Lacson ang plano ng Kamara na ibalik sa Malacañang ang National Expenditure Program (NEP) para sa 2026 makaraang matuklasan ang ilang kontrobersyal na probisyon.

Ayon kay Lacson, hindi maaaring ibalik ang panukalang budget. Sa halip, maaaring magsumite ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng errata sheets at idaan ito sa Department of Budget and Management (DBM) upang pag-aralan at i-adopt ng Kongreso.

Ginawa ng senador ang suhestyon matapos ihayag ng ilang party leaders sa House of Representatives ang kagustuhan nilang ibalik ang NEP sa Malacañang.

Binigyang-diin pa ni Lacson na kung hindi tinuligsa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kongreso kaugnay ng pagbaha na dulot ng sunod-sunod na bagyo, mananatiling laganap ang pagmamanipula ng budget.

Una na ring pinuna ni Lacson at ilang kapwa mambabatas ang mga item sa NEP na, ayon sa kanya, nagpapakita ng sabwatan sa pagitan ng DPWH at ilang mambabatas.

Bilang halimbawa, binanggit nito ang karanasan ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III matapos ang kanyang pagkapanalo sa eleksyon. Aniya, may tumawag na taga-DPWH sa staff ni Sotto at inalok ito ng pagkakataong magpalista ng insertions, ngunit tinanggihan ng senador.

About The Author