![]()
Posibleng mapababa ang kabuuang ₱6.793 trilyong panukalang national budget para sa susunod na taon, ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian.
Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Gatchalian na kung mababawasan ang alokasyon ng ilang ahensya, partikular ang Department of Public Works and Highways (DPWH), at walang mapaglalagakan ng sobrang pondo, ay maaaring ibaba pa ang kabuuang halaga ng panukalang budget.
Aniya, kung mangyari ito, maaaring bumaba rin ang budget deficit ng bansa.
Dagdag pa ni Gatchalian, magpapatupad sila ng mga reporma sa budget process upang mapalakas ang transparency. Kasama rito ang pag-upload ng lahat ng dokumento sa budget transparency portal, at ang pagsasagawa ng amendments sa plenary deliberations upang makita ng publiko kung sino ang nagsusulong ng mga pagbabago sa panukalang budget.
