dzme1530.ph

Panukalang 2024 budget ng DOLE, lusot na sa Senate Committee on Finance

Tinapos na ng Senate Committee on Finance ang pagtalakay sa proposed P39.59-B 2024 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa budget hearing sa Senado na pinangunahan ni Senate President Pro tempore Loren Legarda, pinagpaliwanag ni Senator Nancy Binay ang DOLE ukol sa pagsama sa mga 15-taong gulang sa labor force sa bansa.

Nakakabahala ito para kay Binay dahil lumalabas na sila ay mga child laborers.

Sa iprinisintang impormasyon ng DOLE, may 77,440 milyong Filipino ang nagtatrabaho, kabilang ang mga 15-anyos pataas.

At sa “not in labor force category” mayroon naitalang 11.9 milyong estudyante, 7.3 milyon ang nagtatrabaho sa bahay, limang milyong retiradong indibiduwal at ang natitira ay may mga kapansanan.

Samantala, nabahala naman si Legarda sa impormasyon na sa mahigit anim na milyong underemployed ay nasa 33% ang college graduates.

Iginiit ng senador ang pangangailangan na bumuo ng mga hakbangin upang matiyak na mabibigyan ng maayos na trabaho ang mga college graduates na naaakma sa kanilang pinag-aralan.

Natalakay din ang isyu ng TUPAD program makaraang tanungin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang batayan nito.

Sa gitna nito, nagpahayag ng pagsuporta sina Legarda at Senate Majority leader Joel Villanueva sa TUPAD program dahil malaki anila ang naitutulong nito sa mga nawalan ng trabaho nating mga kababayan.

Isinusulong din ng dalawang senador ang kanilang mga panukala upang mai-institutionalize ang programa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author