Kinumpirma ni Senate Committee on Labor chairman Jinggoy Estrada na agad niyang iaadapt ang panukala para sa mas mataas na wage increase sa private sector sa sandaling maaprubahan na ito sa Kamara.
Una nang inaprubahan ng Senado ang dagdag na P100 wage increase sa arawang sahod ng mga mangagawa sa private sector subalit giit ng ilang kongresista ay maliit ang inaprubahang halaga.
Sinabi ni Estrada na kapag naipasa na ng Kamara ang mga nakabinbin nilang legislated wage hike bills ay kukumbinsihin niya ang mga senador na iadapt ang bersyon ng mga kongresista.
Tiniyak din ng senador na handa siyang makipagdayalogo sa Kamara para sa panukala.
Sinabi ng senador na hindi nila didiktahan ang mga kongresista subalit dapat ding ikunsidera ang kakayahan ng mga employer at mga negosyante.
Kung maaprubahan anya ng Kongreso ang mas mataas pa sa P100 na legislated wage hike ay nasa kamay na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr kung ito ay isasabatas.