dzme1530.ph

Panukala sa automatic income classification ng LGUs, aprubado na sa Senado

Lusot na sa Senado ang panukala parasa automatic income classification ng mga lokal na pamahalaan, na isa sa mga priority bills ng administrasyon.

Sa botong 22 na senador ang pabor, 2 tutol at walang abstention, inaprubahan ng Senado sa 3rd and final reading ang senate bill 2165.

Tutol sa panukala sina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senadora Risa Hontiveros

Alinsunod sa panukala, ang mga probinsya, lungsod at munisipalidad ay igu-grupo sa anim na income classes batay sa kanilang financial capability.

Nakasaad dito ang pagsasaayos ng klasipikasyon ng mga LGU kada tatlong taon para maisabay sa termino ng mga lokal na opisyal; pagtatakda ng income threshold para sa mga probinsya, siyudad at munisipalidad; pagbibigay kapangyarihan sa finance secretary na i-classify ang mga LGU at repasuhin ang kanilang income range; at pagtitiyak na walang opisyal o empleyado ng LGU ang makakaranas ng pagbaba ng sweldo at benepisyo sa magiging unang income reclassification.

Ipinaliwanag ni Senate Committee on Local Government Chairman JV Ejercito, ang income classification ay hindi lang nagtatakda ng financial capability ng mga LGU na magpatupad ng mga programa, kundi may epekto rin ito sa sweldo ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan, administrative aids, financial grants at iba pang ayuda sa lokal na pamahalaan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author