dzme1530.ph

Panukala para sa proteksyon sa mga waste worker o mga basurero, isinusulong sa senado

Isinusulong ni Sen. Loren Legarda ang panukala para magkaroon ng standardized working conditions para sa mga waste worker o mga basurero.

Ito ay upang bigyang pagkilala ang mahalagang papel ng mga basurero sa public health at environmental sustainability.

Sa kanyang Senate Bill 2636 o ang proposed Magna Carta of Waste Workers Act, nais ni Legarda na bigyan ng sapat na proteksyon ang karapatan ng mga basurero bukod pa sa pagsasaayos ng kanilang working condition at maisama sila sa formal waste management systems.

Alinsunod sa panukala, kakategorya bilang formal workers o ang mga waste worker na ineempleyo ng gobyerno o pribadong kumpanya o kooperatiba habang ang mga waste picker o scavengers ay ikakategorya bilang informal.

Nakasaad sa panukala na dapat bigyan ng benepisyo at hazard pay bukod pa sa comprehensive health services ang mga waste worker.

Isasailalim din sila sa annual medical exams na sasagutin ng kanilang employers, at palagian silang bibigyan ng personal protective equipment, vaccination, at iba pang prophylaxis tulad ng tetanus shots.

Lilimitahan din sa walong oras ang trabaho ng mga ito at mabibigyan ng overtime at holiday pay habang ang mga taong magdidiscriminate sa kanila ay mahaharap sa arresto mayor at multang sa pagitan ng P50,000 hannggang P150,000.

About The Author