dzme1530.ph

Panukala para sa pagbuo ng Department of Water, tiniyak na maaaprubahan ngayong 19th Congress

Tiniyak ni Senate President Francis Escudero na maisasabatas ang panukalang pagtatag ng Department of Water ngayong 19th Congress o bago magsara ang Kongreso hanggang sa Hunyo ng susunod na taon.

Sinabi ni Escudero na napagkasunduang gawing prayoridad ang panukala matapos ang pulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Ipinaliwanag din ng senate leader na ang pagbuo ng naturang departamento ay hindi naman sumasalungat sa itinutulak ng administrasyon na government rightsizing.

Binigyang-diin ng senador na hindi ito pagdaragdag sa burukrasya dahil pagsama-samahin lamang sa iisang departamento ang napakaraming water agenceis ng gobyerno na may kanya-kanyang pagkilos ngayon subalit magkakaiba ng direksyon.

Posible rin namang buwagin ang ilang ahensya at ililipat na ang tungkulin nito sa Department of Water.

Sa kasalukuyang sistema, mayroong mga ahensya para sa tubig sa ilalim ng Office of the President, DENR, DILG, DA at mga lokal na pamahalaan.

Iginiit ni Escudero na panahon nang magkaroon ng ahensyang tututok sa pagtiyak na may sapat at maayos na distribusyon ng suplay ng tubig, pagpigil sa mga baha at pagbuo ng mga programa na maiipon ang sobra-sobrang tubig kapag tag-ulan na magagamit sa panahon ng kapos ang suplay. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author