dzme1530.ph

Panukala para sa maagang cash gift sa senior citizen, lusot na sa Senado

Lusot na sa 3rd and final reading sa Senado ang panukalang magbibigay ng maagang cash gift sa mga senior citizen.

Sa botong 20 ang senador na pabor, walang tutol at walang nag-abstain, inaprubahan ng Mataas na Kapulungan ang Senate Bill 2028 na naglalayong maibigay ang benepisyo bago pa man makaabot sa 100 years old ang isang Pinoy para mapakinabangan pa nila ito.

Sa sandaling maging batas, makatatanggap ng P10,000 na cash gift kapag tumuntong na sa 80 years old ang isang indidibidwal habang P20,000 pagsapit ng 90 years old.

Bukod pa ito sa P100,000 na cash gift para sa mga 100 years old.

Ipinapanukala rin ang pagbubuo ng Elderly Management System para sa maayos na pagkalap ng mga impormasyon tungkol sa mga senior citizen na 80 years old pataas.

Ito ay gagawin sa pagtutulungan ng Philippine Statistics Authority, Department of the Interior and Local Government, Department of Information and Technology, National Commission on Senior Citizens, at local government units.

Binigyang-diin ng sponsor ng panukala na si Senate Committee on Social Justice Chairperson Imee Marcos na kailangan nang i-advance ang pamamahagi ng cash gift para sa mga centenarian dahil sa mahal na presyo ng mga pangunahing bilihin at maintenance na gamot para sa karaniwang sakit ng mga matatanda, gaya ng mga sakit sa puso, diabetes, at kidney failure. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author