dzme1530.ph

Panukala para sa kahandaan ng mga SHS graduates sa kolehiyo at trabaho, muling iginiit sa Senado

Muling isinulong ni Sen. Win Gatchalian ang kanyang panukalang paigtingin ang kahandaan ng mga senior high school graduates na pumasok sa kolehiyo at kalaunan ay makapagtrabaho.

Sa gitna ito ng pinaplano ng Department of Education (DepEd) na simulan ang revised senior high school curriculum para sa School Year (SY) 2025-2026.

Tinukoy ni Gatchalian ang kanyang Batang Magaling Act o Senate Bill No. 2367 na tiyaking may sapat na kaalaman, pagsasanay, at kakayahan ang mga senior high school graduates para sa pipiliin nilang landas: higher education o kolehiyo, middle-level skills development, employment o trabaho, at entrepreneurship o pagnenegosyo.

Binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahang tugunan ang mga hamong kinakaharap ng senior high school program.

Bagama’t ipinangako ng programa ang kahandaan ng mga graduates na pumasok sa trabaho, lumabas sa isang 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na 20% lamang ng mga senior high school graduates ang nakakapasok ng labor force.

Lumabas din sa pag-aaral ng PIDS na kung ihahambing sa mga nakatapos ng Grade 10 at second year college, walang pinagkaiba ang mga senior high school graduates pagdating sa basic pay kada araw.

Layon ng panukala na lumikha ng National Batang Magaling Council na bubuuin ng DepEd, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), tatlong national industry partners, isang national labor group, at ng Union of Local Authorities of the Philippines, isang umbrella organization ng lahat ng liga ng mga lokal na pamahalaan.

About The Author