dzme1530.ph

PANUKALA PARA SA FUEL TAX STABILIZATION MECHANISM, ISINUSULONG SA SENADO

Loading

ISINUSULONG ni Senador Loren Legarda ang panukalang magtatatag ng Fuel Tax Stabilization Mechanism sa gitna ng kinakaharap na tensyon sa Middle East.

 

Sinabi ni Legarda na ang walang humpay na pagtaas ng presyo, dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan at pagkaantala ng pandaigdigang suplay, ay nagreresulta sa mas matinding inflation at mabigat na pasanin sa mga pamilyang Pilipino, mga tsuper, at maliliit na negosyo.

 

Alinsunod sa Senate Bill No. 1842 ni Legarda, o ang proposed Fuel Price Relief Act, itatatag ang Fuel Tax Stabilization Mechanism na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspindihin o bawasan ang parehong excise at value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo—o pagsamahin ang dalawang hakbang upang makamit ang pinakaangkop na pagbabago sa presyo.

 

Layunin nitong patatagin ang presyo ng langis habang pinapaliit ang epekto sa kita ng pamahalaan.

 

Binibigyan ng panukala ang Pangulo, sa rekomendasyon ng value-added tax at Development Budget Coordination Committee konsultasyon sa Department of Energy, ng kapangyarihang suspindihin o bawasan ang excise at VAT sa regular gasoline, unleaded premium gasoline, diesel fuel oil, kerosene, at liquefied petroleum gas.

 

Maaaring tumagal ng hanggang siyamnapung araw ang suspensyon o pagbabawas.

 

Upang matiyak ang transparency, inaatasan ang DBCC at DOE na magsumite ng buwanang ulat sa Kongreso at maglathala ng mga update online hinggil sa pandaigdigang presyo ng langis at epekto sa kita ng pamahalaan ng anumang suspensyon o pagbabawas.

About The Author