Nais ni Senador Win Gatchalian na isabatas ang deklarasyon ng “National Micro, Small, and Medium-Enterprise (MSME) Week” mula Hunyo 27 hanggang Hulyo 2 ng bawat taon sa hangaring makakalap ng kinakailangang suporta para sa mga maliliit na negosyante.
Ang Senate Bill No. 949, na inihain ni Gatchalian, ay naglalayong kilalanin ang mahalagang papel ng mga MSME para sa pagpapalakas ng bansa, hikayatin ang mga pribadong negosyo, at itaguyod ang diwa ng pagnenegosyo.
Ang panukalang MSME Week ay alinsunod din sa resolusyong pinagtibay ng United Nations General Assembly noong 2017 na kinikilala ang June 27 bilang World MSME Day.
Ang resolusyon ay nagsisilbing paalala sa mga pamahalaan sa buong mundo na itaguyod ang pagnenegosyo kung saan maaaring umunlad ang maliliit na kumpanya.
Sa ilalim ng panukala, ang Department of Trade and Industry (DTI), sa konsultasyon at pakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno at mga asosasyon at organisasyon ng industriya, ay magiging responsable para sa mga aktibidad na may kaugnayan sa MSMEs Week. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News