![]()
ISINUSULONG ni Senador Erwin Tulfo ang pagkakaroon ng “absolute transparency” at maging tapat sa tunay na gastos ang mga kumpanya ng langis sa halip na basta-basta na lamang nagdedeklara ng dagdag-presyo sa produkto.
Ito sa pamamagitan ng pag- co-author sa Senate Bill No. 641 na naglalayong magpatupad ng mahigpit na transparency sa Philippine Downstream Oil Industry.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng kapangyarihan ang Department of Energy (DOE) na obligahin ang mga oil companies na isumite ang “actual cost component” o ang tunay na detalye ng kanilang gastusin sa bawat litro ng petrolyo.
Magiging “automatic” ang pagsusumiteng ito kapag ang average price ng Dubai crude oil ay umabot sa itinakdang presyo base sa Mean of Platts Singapore.
Sinabi ng Senador na marami nang kababayan ang nagrereklamo sa kanya tungkol sa mga “premature hikes” at kaduda-dudang galaw sa merkado.
Iginiit ni Tulfo na panahon na magpatupad ng pangmatagalang solusyon sa pamamagitan ng batas. | via Dang Garcia
