dzme1530.ph

Panukala laban sa vote buying, tiniyak na isusulong sa Senado

Tiniyak ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe na ipaglalaban niyang maisabatas ang panukalang magpapasura sa vote buying.

Ginawa ni Poe ang pahayag sa gitna ng pag-alala niya sa kontrobersyal na Hello Garci scandal kung saan sinasabing nadaya ang kaniyang amang si Fernando Poe Jr. sa eleksyon noong 2004.

Hindi pa naiwasan ni Poe na maging emosyonal nang balikan sa alaala ang aniya’y eskandalong bumago sa kasaysayan ng Pilipinas kung saan ang natalo ay idineklarang panalo.

Bagamat hindi pinangalanan ni Poe, batid ng publiko na mahigpit na magkalaban noong 2004 presidential elections ang ama ng senadora na si FPJ at si dating pangulong Gloria Arroyo.

Sa “Hello Garci” ay nag-sorry si Arroyo matapos na lumabas ang kontrobersyal na tawag ng isang babae na kaboses ng dating pangulo at sa kabilang linya na hinihinalang si dating COMELEC Commissioner Virgilio Garcillano na inuutusang mag-produce ng isang milyong boto.

Binigyang-diin ni Poe na ang taumbayan ang nagbayad sa krimen na kagagawan ng mga “Hello Garci” actors.

Sinabi pa ng senadora na bagamat may mga batas na ipinasa upang hindi na maulit ang “Hello Garci” scandal tulad ng computerization o automation pero malaking problema pa rin hanggang ngayon ang vote-buying.

Dahil dito, isinulong ni Poe ang Senate Bill 2664 o ang panukala na nag-aamyenda sa kahulugan ng vote-buying sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Sa panukala, sasaklawin na rin ang pagbili ng boto sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya, computer, devices, software, at applications at parusang pagkakakulong na hindi bababa sa anim na taon at hindi rin tataas sa sampung taon.

 

About The Author