Nanindigan si Sen. Joel Villanueva na malinaw na ipinapakita ng pinakabagong insidente sa West Philippine Sea (WPS) ang panganib na kinakaharap ng mga tropa ng Pilipinas sa pagtatanggol ng karapatan ng bansa sa sariling karagatan.
Kasabay nito, nagpapasalamat si Villanueva na sa kabila ng harassment, ligtas ang mga tauhan sa Philippine Coast Guard at patuloy na ginagampanan ang tungkulin na magpatrolya sa ating teritoryo.
Binigyang-diin din ng senador ang panawagan sa Chinese Coast Guard at mga fishing militia na itigil ang kanilang operasyon sa West Philippine Sea.
Paulit-ulit na aniya ang paggiit ng gobyerno na ang presensya at operasyon ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea ay ilegal at walang awtorisasyon.
Iginiit mula sa mambabatas na ang West Philippine Sea ay atin kaya’t dapat umalis ang mga hindi awtorisado sa naturang teritoryo.