Kinondena ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada ang panibagong insidente ng pambobomba ng water cannon ng China sa mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagsasagawa lamang ng resupply mission sa Panatag Shoal.
Iginiit ni Estrada na walang sinumang bansa ang may karapatan na pigilan o hadlangan ang mga ligal na humanitarian at supply missions ng Pilipinas sa loob ng ating exclusive economic zone.
Nanindigan ang senador na nakabatay ang aksyon ng gobyerno sa 2016 Arbitral Award at alinsunod din sa internasyonal na batas, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea na ginagarantiyahan ng lahat ng estado ang karapatang mag-navigate nang malaya sa loob ng kanilang EEZ.
Kaugnay nito, muling kinalampag ni Estrada ang China na tigilan na ang marahas na aksyon sa pag aaring teritoryo ng Pilipinas.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na walang nilalabag na batas ang mga barko ng BFAR sa kanilang paglalayag sa loob ng ating pag-aaring karagatan.
Iginiit din ni Estrada na hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang pagiging marahas ng China sa ating mga kababayan.
Kaugnay nito hinikayat ng senador ang ating mga katuwang sa ASEAN na makiisa sa mamamayang Pilipino sa pagtatanggol sa ating soberanya, katatagan at seguridad ng rehiyon, at higit sa lahat ang panuntunan ng batas sa West Philippine Sea.
Hinikayat din ni Estrada ang gobyerno na gumawa ng matatag at diplomatikong hakbang upang panagutin ang China sa mga aksyon nito at upang matiyak na hindi na mauulit ang mga ganitong insidente sa hinaharap.