Kinondena ni Sen. Sherwin Gatchalian ang panibagong insidente ng karahasan sa pagitan ng mga estudyante.
Nabatid na dalawang estudyante sa Grade 8 ang nasawi matapos saksakin ng tatlong kapwa mag-aaral sa labas ng kanilang paaralan sa Las Piñas, ayon sa ulat ng mga awtoridad.
Sinabi ni Gatchalian na higit nang nakakabahala ang insidente na malinaw na senyales ng krisis sa lipunan.
Nanawagan si Gatchalian ng mabilis na hustisya para sa mga biktima at iginiit ang kahalagahan ng mga programang pang-edukasyon upang mapigilan ang paglala ng ganitong mga kaso.
Kabilang sa kanyang mungkahi ang mas maigting na pagpapatupad ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education Act, gayundin ang pagmomobilisa ng mga lokal na pamahalaan para sa Parent Effectiveness Service Program.